Tuesday, March 15, 2016

Pangako Laban sa Virus na Walang Bakuna ang DOH


from http://ssu.org.au/election-ticket-registration-closed/


ISANG buwan mahigit na lang ang pangangampanya natin at pangungumbinsi ng boto para kay Juan/Marya o laban man, isang buwan mahigit na paninira sa "kalaban", at nariyan na ang eleksyon. Panahon na marahil para ilabas ko ang aking pangako: isang bakuna. Heto.
     Ako'y nangangako na matapos ang panahon ng pangangampanya para sa ang sa tingin ko'y mga may maiaambag sa mas magandang estado ng governance sa ating bayan, probinsiya, at bansa, may maiaambag directly man o bilang epekto lamang (ang pinaka-radikal na example ng huli ay isang pisikal o legalistang diktadurya na naman na magpapahina sa kawalang-pakialam ng nakararami at magpapalawak sa populasyon ng magrerebelde laban dito at sa uri nito), . . . ako'y magsisimula na muling mangampanya para sa pagpapanalo ng aking sarili, ng ating mga sarili.

ANG aking sarili, ang ating mga ordinaryong sarili, ay hindi kandidato at hindi pulitiko. Ang aking sarili, ang ating ordinaryong mga sarili, ay mga indibidwal ng lipunan na sana'y mangangakong hindi magpapaalipin sa star system sa pulitika ng ating bansa pagkatapos ng eleksyon, at sa halip ay magnanais na maging bahagi ng pamahalaan, hindi bilang mga opisyal kundi bilang mga simpleng mamamayan, mga mamamayan na sana'y hindi limitado ang karapatan sa pagrarali lamang na di naman pakikinggan ang mga sigaw.
     Kaya matapos ang panahon ng pangangampanya at ng eleksyon, ewan ko sa inyo, basta ako ito ang una kong magiging hakbang. Ako'y mangangako, ako'y magpapabakuna.
     Ako'y mangangakong hindi magpapabiktima sa isang nakahahawang mosquito virus na laganap sa ating lipunan: ito ang virus ng partisanong herd mentality na punong-puno ng molecules ng confirmation bias. Maiintindihan ko kung ika'y magiging bahagi ng susunod na administrasyon, kung kaya't wala kang magagawa kundi ang manahimik sa maaari mong mga makita habang kailangan mo pa ang trabaho mo. Maiintindihan ko nga rin ang iyong mga pagdepensa rito. Ngunit kung wala ka naman sa gobyerno o walang kamag-anak dito na gusto mong dipensahan para sa maluwalhati niyang pakikibahagi sa susunod na magiging manipestasyon ng korapsyon subalit depensa ka pa rin ng depensa sa idolo mo at tira nang tira sa mga kalaban niya, aba'y sasabihin kong nahawa ka na yata ng sakit na tinatawag na partisanong emotional contagion tungo sa mga simtoma ng group emotion at collective narcissism. Ang bandwagon effect ng sakit na ito ay isang spiral of silence na bubuo ng iyong master-slave morality sa ilalim ng idol mo. Bagamat spiral of silence ang tawag sa epekto sa isip ng sakit na ito, hindi ibig sabihin ay mananahimik ka na sa harap ng mga kritiko ng iyong idol; ang totoo niyan, ika'y magiging maingay sa kadedepensa mo sa kalinisan at talino ng idol mo na siyang tanging makikita mo. Magiging zombie ka ng groupthink, Liberal man o NPC o ano man.
     Paano maiiwasan ang sakit na ito? Simple lamang. Uminom lamang ng wisdom elixir na nagsasabing ang ating pulitika ay maruming pulitika ng pribilehiyo, at ang eleksyon ay ang araw kung kailan ibinibigay natin ang pribilehiyo sa iilang tao ng isang uri upang mag-representa sa atin sa pamamahala sa milyun-milyong Pilipino. Ang ibig sabihin nito, ito ang araw kung kailan ibinibigay natin sa mga pulitikong ito ang pribilehiyo na magdesisyon sa kung saan nila gagamitin ang perang binuwis sa atin, magdesisyon para sa atin, tayong milyun-milyon. Mula rito, silang mananalo ang magiging bahala sa bilyun-bilyong piso ng pamahalaan, at tayo'y babalik na sa ating mga mahjong at trabaho, wala na uli tayong pakialam sa pamamahala ng iilang mamamahala sa atin at sa pera natin.
     Pero siyempre, hindi rin. Kasi ang mga mahahawa ng virus ng partisanong confirmation bias ay naroon pa rin at magbabantay, patuloy na dedepensa sa kanilang idolo sa star system ng ating liga, este pulitika ng pribilehiyo, tuwing may susulpot na kritisismo laban sa idol nila, at iikot na uli ang insultuhan sa Peysbuk ng mga fans ng pro at con idols.
     Samantala, ang mga idols na ito naman na iniidolo natin---nating mga nahawa ng virus---, mga idols na nanalo o natalo man, mga idols na pawang miyembro ng uring political elite, sila-sila rin ay maglalaban-laban sa ngalan kunwari ng prinsipyo at progreso. At tayong mga nahawa ng virus ay di maniniwalang pare-pareho lang naman naglalaban ang mga pamilya at mga korporasyon nilang yan sa pribilehiyong binibigay ng tao tuwing eleksyon. Dahil, di mo pa ba aaminin, pribilehiyo ang simpleng skeleton sa likod ng balat at karne ng bawat katawan ng eleksyon.
     Kaya, heto na. Ito at inumin mo na at iluwa. Ito ang bakuna. Mangako ka sa sarili mo na hindi ka magpapaka-alipin sa brand loyalty disease na binebenta ngayong kampanya pa lamang ng mga kapuso, kapamilya, kapatid, kakosa, kadilaw, kaputi, kaitim, ka-anu-anong kabuwisetan man yan, at sunod niyan ika'y mangako ng ganito: "pagkatapos, ako'y muling magiging mga kritiko ninyo, pagkatapos, lalung-lalo na ninyong mga ikinampanya ko't nanalo! Pagkatapos."
     Pagkatapos, at sigurado ka nang hinding-hindi ka kailan man mahahawa, . . . dun lamang tayo maaaring magsimula. [S /-I]