Friday, January 20, 2017

Isang Maiksing Reminder Tungkol sa Anatomiya ng Pilipinong Botante at ang Ugat ng Abuse of Power sa Ating Bansa






ANO ang mali sa pronouncement na ito?
    
"Jojo, di ba ibinoto mo rin si Duterte? Tapos wala pa yatang isang buwan ay kung anu-ano na ang pinagsasasabi mo tungkol sa Duterte government na binoto mo? Kung gago nga ang Duterte government, ayon sa punto ng ilang kritisismo mo laban dito, aba, isa ka rin sa mga dahilan kung bakit ganito ang nangyari sa bansa natin under the Duterte government. Kaya ang masasabi ko sa iyo ay ito: dun ka na lang sa binoto mo, gago ka! Panindigan mo na lang, punyeta ka!! Di ka namin kailangan sa panig namin!!!"
    Obvious naman na ang nagsulat nito ay hindi bumoto o nangampanya kay Duterte. Dahil ang bumoto kay Duterte ay ganito ang isusumbat:
    "Ang problema sa atin, boboto tayo, tapos sa huli tayo ay magrereklamo. Ganun ba parati? Di ba dapat suportahan na lang kung sino man ang nanalo dahil yun ang pinili ng tao? O totoo nga bang mahilig lang talaga tayong maging parating opositor? Kaya siguro hindi umuunlad ang ating bayan."
    Hokey. 
At ngayon, ang sagot ko sa mga mungkahi na yan, na ilalatag ko ng mahaba at ng ganito:
    
"Ser, ma'am, ang pagkakaalam ko po, lahat po tayo ay nalalagay sa single-issue activism o single-issue politics tuwing eleksyon. At least sa case ko ganun ang tingin ko sa sarili ko bilang botante. Ibig sabihin, binoboto ko ang tao na nagmumungkahi na gagawa ng solusyon sa single issue na nasa tuktok ng aking listahan. Oo nga't marami tayong nasa ating mga listahan na di angkop sa kandidatong iboboto natin at maaaring angkop dun sa kabila, kaya lang hindi iyon ang nasa tuktok sa listahan natin, at kahit man marami tayong magkakaparehong causa sa ating mga listahan ay magkakaiba tayo ng piniling issue na ilalagay sa tuktok ng ating kani-kaniyang listahan. At dahil alam ko iyan, ser, ma'am, nung ako'y bumoto, pinangako ko sa aking sarili na hindi ako magiging loyalista ng sinumang pulitiko at ng kanyang mga pagpangako kundi ng pagtupad sa mga issues sa aking listahan. Kaya . . . dun sa sinasabi niyong pareho na dun na lang ako dapat sa binoto ko parati, nagkakamali po kayo sa inyong pag-iisip na ang binoto ko ay yung tao at hindi yung causa na nasa tuktok ng aking listahan (na maaaring tinupad niya o tinupad niya ng mali o sinuway niya o iniwan na sa daan). Alam niyo, hindi lang naman ang kandidatong binoto ko ang nangako. Ako rin ay nangako. Pinangako ko sa aking sarili na lalabanan ko ang aking piniling kandidato sa ibang issue sa aking listahan na hindi siya angkop. At, alam niyo, ganun din naman ang pinangako ko sa aking sarili pagdating sa ibang kandidato, na kung sila ang mananalo ay hindi ko sila lalabanan sa lahat ng issue, dahil hindi sila ang kinalaban ko kundi ang maraming issue na hindi angkop sa kanila. Susuportahan ko naman sila sa mga issue sa listahan ko na angkop sa kanila. Muli, . . . sa mungkahi niyo, ser, na doon na lang ako parati dapat sa binoto ko dahil di niyo ako kailangan sa panig niyo, at sa parinig ninyo, ma'am, na tila adik na ako sa pagiging kontra parati, hindi po ako pumapanig sa inyo, ser, o sa kabila, ma'am, dahil sa tao ninyo/doon kundi dahil sa causa ninyo/doon kung saan kaisa ninyo/nila ako, dahil nasa listahan ko rin ang causa na iyon. Ser, kung ayaw niyo akong tanggapin sa rally niyo dahil binoto ko si Duterte, aba, okey lang. Kikilos ako nang hindi ko kayo kasabay, dahil hindi ako lumalaban sa ngalan ng isang pulitiko kundi sa ngalan ng mga causa ko. Hindi ko kayo kaisa sa inyong loyalismo, ser at ma'am, dahil tinuturing ko ring kalaban ang anumang uri ng loyalismo sa tao o partido."
   
At dito ay biglang paakbay na pumasok ang aking Facebook friend na si Bert David ng may ganitong mga salita ng pagsuporta sa aking posisyon. Aniya: "Baluktot pa kasi at dapat itama ang pag-unawa ng mga kababayan natin sa kung ano ang demokrasya. Akala pa rin ng ilan, ang inihahalal sa mga eleksyon ay kundi man inihalal upang maging diyos, ay hinalal para maging hari o reyna o diktador, kung kaya't ang mga itoy ay nagiging mandarambong o manggagantso o mamamatay-tao nila. Di pa rin maintindihan na ang ibinoboto at dapat ibinoboto ay ang mga mabuting tao na makagagawa ng mabuti sa bansa at sa kapwa. At lalong di alam na sa demokrasya, kabahagi ang botante sa pang-araw-araw na pamamahala kung saan tinatalakay ang mga bagay-bagay na ginagawa para sa ikabubuti ng madla (hindi para sa ikabubuti ng mga ibinotong akala nila'y dapat lang na naging diyos o hari o reyna o diktador na naging mandarambong o manggagantso o mamamatay-tao ng botante."
    Mismo. Dahil kung ito nga ang anatomiya ng ating pagboto, totoo nga ang kasabihan na ang karapatang bumoto ng tao sa isang representative democracy ay isang karapatan nilang pumili ng kanilang susunod na magiging diktador.
    
Matagal ko na ring sinasabi na tae talaga ang isang purely representative democracy na walang kasama o kaakibat na direct democracy instruments para sa tao. Hindi ito totoong "demos kratos" (democracy) o people's rule, dahil madalas rito, ang ibinoto mong tao ay nandun na, nagsisimula nang umalis sa kanyang ilang mga pangako at umabuso na rin sa kapangyarihang ibinigay sa kanya at di na mabawi ng mga bumoto sa kanya, salamat sa pribilehiyong ito na bigay ng taeng pure representative democracy.
    
At kahit pa matagal na akong nagdadadaldal tungkol diyan, walang nakikinig sa kuto na tulad ko, dahil buo na ang paniniwala ng sambayanan na ang ating kaligtasan ay nasa mga inihahalal, mga inihahalal na sana ay maging mabuti at hindi masama. Buo na ang kanilang paniniwala na ang ating kaligtasan ay hindi nasa pagpalit o pagbago sa sistemang nagbibigay ng pribilehiyong bukas na bukas sa temtasyon ng pag-abuso. Kaya walang natututunan ang bansang ito tungkol sa kasamaan mismo ng sistemang bukas sa abuso ng masama (at ng mabuting maaaring maging masama), dahil sa kanilang malakas na paniniwala na ang taong inihalal lang ang maaaring maging masama (at mabuti), na ang taong mabuti ay di magiging masama sa loob ng ganito kalaking pribilehiyo at poder. At ako'y naging pessimist na tungkol sa future ng bansang ire na reklamo nang reklamo ngunit ayaw umalis sa sistema ng pure representative democracy na siyang ugat ng lahat ng abuse of power ng mga pulitiko. [S / -I]


No comments:

Post a Comment