Tuesday, January 10, 2017

Isang Paghingi ng Tulong ng Isang Kritiko



Angry UPLB students march all the way to the Chancellor's Office in the last semestral enrollment to denounce a flawed implementation of SAIS, an online enrollment system. (PHOTO BY CHRIS QUINTANA borrowed from http://interaksyon.com/article/131136/uplb-students-protest-flawed-implementation-of-online-enrolment)


MR. PRESIDENT, anuman po ang naging batikos namin sa inyo, kaming mga mahihilig mamuna sa sistema at kultura ng gobyerno, aaminin namin na pagdating sa iilang mga bagay, tulad ng pagpapatakbo ng mga opisina ng gobyerno . . . parang dun yata kayo magaling. Sabi nila di raw ninyo tinatanggap ang anumang paliwanag tungkol sa inepesyidad. Nagngingitngit daw po kayo sa mahahabang pila ng tila primitibong sistema ng marami nating tanggapan, at galit na mukha raw ninyo ang pinapadala ninyo sa mga nagpapatakbo ng mga opisinang ito sa pagsabing bilisan nila ang paghahanap ng solusyon kung gusto pa nilang manatili sa kanilang mga puwesto. Aaminin ko, Mr. President, akong umiiling sa tila kawalan ng anumang malaking pagbabago sa kultura ng gobyerno sa ilalim ng iyong pamumuno, na may mga pagbabago rin naman tayong nasaksihan sa serbisyo ng gobyerno kahit konti, at di lang po ang biglang paglaho ng laglag-bala sa Nicknamed Aquino International Airport ang tinutukoy ko. Oo nga't may mga atungal pa rin ako at may di maawat na puna sa ilang polisiya ninyo tungkol sa government service at function, at asahan mong di ako titigil sa kaaatungal sa iba pang malalaking problema ng sistema. Subalit asahan niyo rin naman po na ibibigay ko rin naman ang palakpak sa ilang mga magagandang resultang manggaling sa inyong rehimen, at nawa'y kasama na rin dito ang sa pang-araw-araw na takbo ng buhay sa ilang mga opisina tulad ng mga kapitolyo, mga corrupt na assessors' offices, klasikong mabagal at masungit na SSS, atbp. Sa magagandang resulta na mangyayari, Mr. Presdient, may nakareserba rin naman po akong saludo para sa inyo, kung di man ito para sa buong pamamahala ninyo ay, at least, sa mga bagay na di ko maitatangging may magandang resultang nabuo. Maniwala po kayo na hindi ko pinupuna ang ilang Duterte policies dahil lamang Duterte policies ito, kundi dahil pangit ang mga ito; ito rin naman ang dahilan kung bakit hindi rin naman ako nag-aatubiling pumalakpak sa ilang Duterte policies na maganda, kahit pa man Duterte policies ito.
    Hindi ko na po pahahabain pa ang mahabang pasakalye ko, Ginoong Pangulo, at pupunta na po ako sa pakay ko. Ginoong Pangulo, kaya ko po nasabi/naisulat ang 338 words na iyan sa itaas . . . ay dahil mayroon po akong isyu na irereport sa inyo at hihingan ko ng solusyon mula sa inyo. Dahil, maniwala po kayo't sa hindi, problema po itong hindi lang di mahanapan ng solusyon ng ating matatalinong mga dalubhasang akademiko, palala pa po ito nang palala, taon-taon po. Kaya po di maiwasan ng marami ang i-apply rito ang isang folk axiom na nagsasabing "kung may problemang paulit-ulit na di mahanapan ng solusyon, tiyak may kumikita sa pananatili ng problema na iyan." Batid naman siguro natin na marami na rin ang naniniwala na ang dahilan kung bakit di masolusyunan ang, halimbawa, dapat simpleng problema lamang ng trapik . . . ay dahil (daw) malaki ang kinikita rito ng oil companies sa increase ng gasoline consumption na nagmumula sa mga gumagapang na sasakyan.
    Ngunit hindi po solusyon sa trapik ang minumungkahi ko sa inyo, Mr. President, kundi mas maliit pa pong isyu kaysa riyan. Siguradong-sigurado ako na bilang dating meyor ay yakang-yaka niyong mahanapan ng solusyon ito, dahil kahit ako po na isang ordinaryong mamamayan lamang ay tila may mga naiisip na solusyon na rin naman, kaya lamang po ay wala po tayo sa kapangyarihan at siguradong di nila pakikinggan.
    Ang tinutukoy ko po, paumanhin na lang po sa marami kong sinabi bago makarating dito, ay . . . ang malalang sistema sa mga public schools pagdating sa assessment at sa pagbabayad tuwing enrollment, kung saan ang pumipila po ng alas-4 ng umaga ay di pa nga minsan umaabot sa unahan pagdating ng alas-5 ng hapon. Hindi po ako nagbibiro, Mr. President, huwag po kayong tumawa, ser. Tanungin niyo po ang mga estudyante ng UP, ng PUP, ng Bulacan State University, o ng alinmang public university riyan. Ang logic po ng isang kritiko niyo tulad ko kung bakit sa inyo pa rin ako pumunta ay ito: Kung walang ni isang matalinong may-PhD na presidente ng pampublikong unibersidad ang tila nakakita ng solusyon sa palala nang palalang problemang ito sa ating mga public schools, aba, huwag po kayo magulat kung bakit tumatakbo po kami ngayon sa isang dating parating 75 lamang ang grado. Baka nasa inyo na po ang solusyon at hindi sa matatalinong mga gunggong na iyon. Sana nga po. Di po ako isang Mocha Uson, Mr. Presdient, ngunit di po ako mag-aatubiling pumalakpak sa inyo sa isyu na ito kung mahahanapan niyo ng agarang solusyon, as in overnight, Mr. President, dahil sa Friday na po kami naka-schedule na pumila, ser!

(panoorin ang video na ito na nagpapakita ng mahaba nang pila sa
Bulacan State U sa alas-4 pa lang ng umaga ngayong linggong ito: 
https://www.facebook.com/TheBulsuMemes/videos/1860217320924857/)

    Handa ko po kayong ituring na hero sa problemang ito, Ginoong Pangulo, kung mababago niyo ang sistemang ito in three to six hours. Huwag niyo lang pong hingin na isama ko na rin si Marcos sa standing ovation na gagawin kong iyon. At kung iyon po ang hihingin niyong kapalit, pipila na lang po ako, kahit pa isang linggo. [S / -I]




No comments:

Post a Comment