Thursday, April 13, 2017

Holy Week Issue


A social media post reacting to a PR firm's "win a date with Sandro (Marcos)" promo that resulted in a backlash against deniers of post-Proclamation No. 1081 atrocities/abuses. Photo grabbed from Twitter.


DIYOS ko. Holy Week na Holy Week ay gusto akong hatakin ng isang Marcos loyalist sa debate tungkol sa katotohanan ng mga nakasulat sa mainstream History tungkol sa Marcos martial law atrocities at abuses. Gusto niya akong hatakin sa kanyang alternative facts. Ano ang tingin niya sa akin, tangang isda na papatol sa bulateng pain niya? Hindi ako hangal na kakagat sa gusto niyang mangyari, na ako ay magalit at maglitanya tungkol sa maraming facts ng kasaysayan at tuluyan na ngang mailagay niya sa posisyon ng may burden of proof na siya ngayong magpapatunay na totoo nga ang lahat ng detalye ng History na binanggit ko. At sa bandang dulo, may alas siyang itatapon sa mesa na magtatanong sa akin kung sigurado ako sa aking mga facts at kung ilang units sa History ang nakuha ko sa kolehiyo at sa kung saang paaralan, and so on. Trial niya, at History ang nasa defensive sa aggression ng kanyang confirmation bias. Hindi ako mangmang na kakagat sa gusto niyang mangyaring ang History ang mailagay niya sa gitna ng kanyang dakilang imbestigasyon sa ngalan ng gaslighting.
    Pren, sasabihin mo, pero di ba dapat ding mailabas ang katotohanan? Totoo, dapat ilabas ito. At sasabihin ko sa iyong ilabas mo ito sa madla. Subalit dapat mo ring malaman na walang patutunguhan ang pakikipagdebate sa deniers ng anumang kasaysayan, dahil sa either of two reasons lamang. Ang one of the two reasons, malakas ang paniniwala ng isang denier sa kanyang sariling bersyon ng katotohanan, kung kaya’t wala kang mararating sa iyong mga facts. May mababali ka bang relihiyosong malakas ang paniniwala sa kanyang relihiyon o bersyon o konsepto ng Godhead or Godness? Wala. The other reason, mayroon siyang motibo. Kung kaya’t ikaw ang paglalaruan niya. May makukumbinse ka bang isang tao sa prinsipyo ng katotohanan kung alam niya rin naman ang katotohanan at alam din niyang nagsisinungaling siya sa ngalan ng kanyang mga sikretong motibo?
    Wala akong oras makipagdebate tungkol sa katotohanan sa mga taong either may malakas na paniniwala sa kanilang bersyon ng katotohanan, at di kailanman makukumbinsi ng anumang ibang bersyon, o dili kaya’y may suwapang na motibo sa likod ng kanilang mga salita, at di kailanman magpapatinag sa talino ng anumang may saysay na interpolasyon.
    Kung mag-aaksaya man ako ng panahon sa kanila, hindi ang isyu nila ang papatulan ko kundi ito—sila, bilang ang isyu. Itatanong ko sa akademya ng tao, sa bawat nakikinig na may sariling isip, kung ano ang interes ng isang tao sa isang kasaysayan. Bakit niya ba kinikuwestiyon ito? Ano ang motibo niya? Maganda kaya ang motibo niya o hindi? Kinukuwestiyon niya ito sa ngalan ng ano? Sa ngalan nino? Sa ngalan ng anong korporasyon o paksyon pulitikal? At kung sasabihin niyang pure ang kanyang motibo at walang halong selfish interest, dapat ba siyang paniwalaan? Ano ang power o supremacy na makukuha niya sa pagkapanalo ng kanyang metanarrative?
    Para sa akin, sapat nang malaman na natural lang sa isang apologist ng dictatorial system at militarismo na maghanap ng isyu tungkol sa kasaysayan ng anumang dictatorship at militarist rule. Sapat nang malaman na galing siya sa isang pamilya, barkada, ethnic o linguistic group, o anumang sistema ng groupthink, na nakinabang o makikinabang sa sistemang diktadurya o militarista, para maliwanagan ako sa tunay na dahilan sa likod ng kanyang behavior o mental anatomy bilang isang denier o historical negationist.
    Uulitin ko. Sa harap ng mga taong ganito, pipilitin kang hatakin sa isyu nila, kung saan ang History mismo ang magiging isyu. Subalit ang isyu ay hindi ang History, Ang isyu ay SILA at ang MGA MOTIBO NILA. Kung may pagdedebate, dapat ito umikot sa pagkatao, o sa mga facts and figures sa likod ng pagkatao NILA. Take it from there. . . .
    Hay, sus. Pasensya na, mga bes, at binulabog ko ang Holy Week ninyo. . . . Pero, on the other hand, baka Holy Week issue rin naman ‘to. Di nga ba’t may mga denier din dyan, mga deniers na nagsasabing mas mabuti ang naging kalagayan ng Ancient Israel sa pamamalakad ng Roma, o na si Satanas ang tunay na maka-kapayapaan dahil hindi niya hahayaan ang mga sakuna? Well, wala namang masama sa pagkuwestiyon sa anumang mga detalye ng kasaysayan o ng mitolohiya per se, na tinatawag ng history professors na historical revisionism. Ang masama ay kung ayaw mong isama ang sarili mo sa imbestigasyon, kahit ikaw ang may dala ng mga kuwestiyon, na maaaring maturing na isyu ng historical negationism. Pag ganito ang nangyayari na hinahayaan natin ang imbestigasyon sa anumang teksto nang walang pag-iimbestiga sa masama o mabuting motibo ng kumukuwestiyon, may mga rewriting na nangyayari at nagtatagumpay nang ganun-ganon na lang. Tulad, halimbawa, yaong pagkarewrite sa kuwento tungkol kay Maria Magdalena upang palabasin na siya ay nagbagong prosti at hindi babaeng disipolo ni Hesus na ka-lebel, kung di man mas mataas sa lebel, nina Pedro. And for what motive? To deny women the priesthood? Go, take it from there! [S / -I]




No comments:

Post a Comment