cartoon mula sa http://www.abante.com.ph/op/editorial/36156/editorial-eleksyon-trapik-at-baha-.html |
MGA KAPATID, okey lang siguro na nag-aaway-away tayo ngayon dahil sa mga manok natin sa eleksyon. Basta importante lang, pagkatapos ng eleksyon, manatili sa isip natin at sa ating kaalaman na lahat ng pulitiko ay dapat lamang na ituring na potensyal na kalaban ng tao, kasama na riyan ang mga manok natin ngayon.
Iyon ay dahil sa loob ng kani-kanyang termino ay maaaring di tumalima ang ating mga idolong pulitiko sa kanilang mga pinangako, sa kanilang inanunsyong adhikain, sa kanilang pinangangalandakang prinsipyo. Huwag sana maalis sa isip natin na tayo ang dapat na pangulo, na senador, na gobernador, na meyor, at ang pangulo at mga senador at mga representante at gobernador at meyor ay mga representatibo lamang natin sa Pamahalaan na maaaring di tumalima sa mga hangarin ng mamamayan, bagkus ay kakalaban pa sa mga pangarap ng bayan.
Oo, mga ka-nasyon, pagkatapos ng eleksyon maging handa tayo na magrali, o magsampa ng kaso, o maghain ng mga inisyatiba o ng recall election o ng petition for referendum, kung meron kailangang labanang mga polisiya o mismong mga pulitiko na kumakalaban sa ating tiwala.
Totoo, manok natin ang isa sa kanila ngayong mga araw ng eleksyon, ngunit maaari rin silang maging kalaban natin sa sabong ng mga darating na bukas. Totoo rin, nagmumurahan tayong mga botante ngayon sa sabungan ng pulitka, at okey lang iyon, dahil nagmumurahan lang naman. Basta lamang---para bukas---ay di natin isusuko ang ating mga tari sa mga Kristong pagkatapos ng eleksyon ay akala mo'y naging mga hari. [S /-I]
No comments:
Post a Comment