photo from http://alchetron.com/Freddie-Aguilar-122164-W |
MGA ginigiliw kong kababayan, nung isilang kayo sa mundong ito marahil ay mayroon nang National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Matagal na ito. Marami nang nangyari. Di ko na iisa-isahin; kayo na ang bahalang mag-Google tungkol sa anumang pumapasok ngayon sa inyong mga alaala. Marami nang kontrobersya. Kamakailan lamang, tumaas ang kilay ninyo nang mabanggit ang pangalan ni Freddie Aguilar para maging dagdag na commissioner sa 12 commissioners ng kumisyon na nakaupo ngayon. Ito'y ayon sa kagustuhan ng bagong halal na ama ng ating bayan, Rodrigo Duterte; laking tuwa ng magulang niyo siguro nang malamang hindi ito maaari.
Sa bandang akin, sasabihin kong higit sa isang Freddie Aguilar ay mas kailangan natin ng isang non-governmental at unaffiliated na grupo ng mga artists at kritiko na tututok sa mga pinagbibigyan ng grants noong mga nakalipas na taon nitong NCCA na ito. Ito na marahil ang maaatasan ng ating independente at malayang mga sarili upang magsuri sa mga grants na nabanggit, upang ang mga ito ay mahusgahan---mahusgahan ang pagiging klasiko at makabuluhan ng ilan sa kanila, at ang pagiging walang kuwenta o pagiging sa kategoryang nagsayang lamang ng pera ng bayan ng iba. Gawin na natin ito. Dahil hindi na dapat tinatawanan lang ang problema, at dahil dapat nakahihigit sa lahat ang tao. Sa madaling salita, gawin natin ito para sa bayan mo at bayan ko. Isang shadow NCCA committee, kumbaga.
Ang bubuuin natin ay parang shadow cabinet sa maraming parliyamento. Kung ang NCCA ay naging diktador na ina sa atin, na nagdikta ng kanyang taste at judgment sa milyun-milyon niyang anak na nagbabayad ng buwis, aba'y ang bagong grupong minumungkahi ko na maaari natng itayo ay maaaring ituring na "lapastangan" na mga anak ng NCCA na bagamat sa unang silip ay tila'y sin-lapastangan ng industriya ng pamamahayag (journalism industry, o fourth estate) ay maaari rin namang maging makatarungan sa lahat. Ang puno't dulo nito ay simple lamang: ang bawat grant ay pera ng bayan, kung inyong maaalala. Ang bawat grantee ay pulubi, pulubing nanghihingi kay Juan at Marya de la Cruz ng pondo para sa kanilang buhay musikero, buhay pintor, o buhay anuman.
Totoo, sasabihin ng iba na magiging produkto lamang ito ng "bitterness" ng mga di-napagbigyan ng NCCA noong nakalipas na mga taon, ng mga bulag, pipi at bingi sa mga magagandang nagawa ng NCCA. Subalit di nga ba't maganda na may ganitong opisyal na kumite (bagamat non-governmental), para may civil na mungkahi, ika nga, at may objective na boses? Ibig sabihin, magkakaroon ng pormalidad o pormal na damit ang mga kumento rito at hindi tulad nung mga dinadaan sa isang mahabang garapal na paglapastangan sa dingding ng Facebook ng bagong henerasyon. Dahil, uulitin natin, hindi lang naman magiging mandato nito ang manghusga sa mga grantee na sa pananaw nito ay walang kuwentang nagawaran ng grant, obligasyon din nitong puriin ang mga magagandang nangyari.
At kung may lalabas mang bias mula sa isang miyembro sa non-governmental at unaffiliated na kumiteng ito, ito ay maaari ring "pansinin" ng ibang miyembro ng kumite at lalung-lalo na ng nakararami sa ating lipunan na siyang final na hurado. Dahil . . . sa issue ng mga maaaring may "bitterness" sa NCCA na miyembro ng kumite, aba---bilang boses ng unaffiliated at pribadong mga mamamayan---sino ba ang may karapatang maging bitter kundi silang mga mamamayan (artists man o hindi, cultural workers man o hindi) na habang hirap sa paghahanap ng pondo para sa sarili nilang mga ambisyon at naiisip na mga proyekto ay nakakakitang pinopondohan ang proyekto ng kanilang mga ka-kompetensiya ng isang gobyernong istriktong naningil ng buwis sa lahat? Hahayaan na lang ba nating ang boses nila ay nananatiling mga buntong-hininga na walang magawa kundi ang bumulong ng "hay, ang buhay nga naman ng taong walang pribilehiyo"? Iba na ang gobyerno, at sana'y pantay na ang turing sa mamamayang nagbabayad ng buwis at mamamayang nagpapasasa sa kabaitan ng namamahagi ng pondo galing sa buwis. At, in fairness sa kumiteng ito, hindi naman siguro imumungkahi nito na buwagin na ang NCCA, hihingi lamang ito marahil ng pagkakataon na mabigyan ng medium ang mga boses ng tao na tila walang tagapamahagi-ng-pondo-galing-sa-buwis ang nakinig noong nakalipas na mga taon.
Panahon na. Panahon na upang magkaroon ng lapastangan na mga anak ng NCCA na magiging boses ng bayan ko at bayan mo, na magiging boses din ng mga nahusgahan ng kumisyon bilang mga walang-kuwentang mga Magdaleno't Magdalenang nagputa sa komersyalismo kuno at hindi sa kuno'y standards ng nasyonalismo o hindi ayon sa pananaw ng mga nasa kapangyarihan sa NCCA. Panahon na para may pagsusuri rin sa mga inatasan ng rehimen at estado na maging manunuri. Ito ang ating pagbabalik sa estudyante blues para mapag-aralan na ang mga bagay na sa matagal na panahon ay nagpasarap sa ilalim ng ating pagbulakbol. Sige, simulan na natin ang pag-aaral at pangungumusta sa ating mahal na NCCA, na sana'y ito ay nasa mabuti. Halina't sumabay kang manindigan para sa iyong perang binuwis na matagal mo nang sinasabing ipaglalaban mo hanggang sa dulo ng mundo. Sige nga, mga ginigiliw ko. [S / -I]
No comments:
Post a Comment