photo from http://www.rappler.com/nation/politics/elections-2013/29417-gloria-arroyo-proclaimed-winner-in-pampanga |
NAGTATAKA ka pa kung bakit malaya si Imelda na ngayo'y Kongresista pa, si Erap na ngayo'y meyor na uli, at---ilang oras mula ngayon---si Gloria na maaari nang ibalik sa Konggreso, ayon sa kaniyang mga in-appoint na maging mga "hustisya" ng Korte Suprema? Di ka masanay.
Alam naman nating sa Pilipinas, walang kapamilya ng isa sa mga pamilya sa tuktok ng ating plutokrasiya at oligarkiya ang nakukulong ng matagal, dahil parating ang kanilang pagkakulong ay bahagi lamang ng drama, ng isang serye ng moro-moro plays, sa gitna ng tunggalian ng mga magkakalabang pamilya rito.
Drama, o moro-moro play, dahil kahit man may tunggaliang pulitikal, tunggalian sa lupa o sa negosyo, o anumang away sa gitna ng mga pamilyang ito, bahagi pa rin ang bawat isa sa kanila ng magkakakabit na relasyon ng kanilang mga angkan na may mga sariling iginuhit na linyang di dapat nilalalagpasan ng anumang aksyon ng isang Bahay. Kumbaga, sa bandang huli, pare-pareho lang naman ang kanilang mga ipinaglalaban---ang kanilang mga sariling yaman.
Batas? Ang batas sa mga pamilyang ito ay isa lamang laruan, at minsan ay isang punyal na maari lamang ipukol ng tuluyan sa mga di-nila-kauring lapastangan sa kanilang royalidad.
PERO, siyempre, pagkalabas nila sa kanilang drama-entabladong kulungan, iboboto natin sila uli. Dahil alam mo naman, ang star system sa ating representative democracy ay isang sistemang walang pinagkaiba sa noong malayang pinapipili ang tao kung sino ang gusto nilang magdala sa kanila sa kalayaan: si Prinsipe X o si Prinsesa Y. [S / -I]
No comments:
Post a Comment